Product Description
Ang Makabagong Paraan ng Pagbasa ay isang aklat na makatutulong sa batà na makapagbasá sa madali, sistematiko at kawili-wiling paraan. Mga makabuluhang hakbang ng Phono-Visual Approach ang ginamit sa aklat na ito tulad ng sumusunod:
- Pagmamasid sa ayos ng labì, dilà at ngipin habang binibigkas ang salita
- Pagkilatis sa una at huling tunog ng salita
- Pag-uugnay ng titik na simbolo ng tunog na narinig
- Pagsulat nang wasto sa simbolo ng tunog na natutuhan
Ang mga tunog na halos ay magkakatulad ang paraan nang pagbigkas (production of sound) ay magkakasunod na ituturo. Sa ganitong paraan ay madaling makikilala at matatandaan ng batà ang mga nasabing tunog. Ito rin ang magiging daan upang maging mahusay ang batà sa pagbaybay (spelling).
Ang Lagumang Pagsubok (summative test) sa katapusan ng bawat cluster ng tunog ay maaaring maging batayan upang matiyak ang lubos na pagkatuto (mastery learning) ng mag-aaral sa nasabing cluster.
Ang mga aralin ay inilahad sa pamamagitan ng palit-awit, rap-rap, at paraang patugma. Batay na rin ito sa mga ginawang pagsasaliksik at sa karanasan ng mga guro sa preschool na ang mga batà sa kanilang murang gulang ay madaling makatandâ ng mga aralin kung ang mga ito ay natututuhan sa pamamagitan nang pag-awit, pagtula at paglalaro.
Inaasahan na sa paggamit ng aklat na ito, ang mga batà ay magiging masayá sa pagpasok niya sa daigdig ng pagbabasa. May kalakip itong patnubay ng guro kasama ang mga mungkahing hakbang na dapat sundin sa paglinang ng bawat aralin.